LEGAZPI CITY, Albay , Philippines - Pupuwersahin nang ilikas ang mga residenteng nakatira sa mapanganib na bahagi ng bulkang Mayon at tumatangging umalis at lumipat sa mga evacuation center.
Sinabi ni Albay Governor Joey Salceda sa isang panayam na personal nilang ilalayo sa bulkan ang mga residenteng ayaw lumikas.
Ayon kay Salceda, meron pang 1,300 pamilya ang nananatili sa kanilang mga tahanang nakatayo sa loob ng eight-kilometer danger zone sa paligid ng Mayon.
Umaabot na sa 44, 394 katao na ang inililikas matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang alert level 4 sa bulkang Mayon dahil sa patuloy na pag-alburoto nito sa buong magdamag na pagmamatyag dito.
Sa talaan ng Phivolcs, ang bulkan ay nagkaroon ng 1,942 volcanic earthquakes at lalong tumaas ang bilang ng sulfur dioxide na tinatayang umaabot sa 6,089 tonelada kada araw.
Malaki ang paniniwala na araw na lamang ang hinihintay at maaring magkaroon na ng malakas na pagsabog na inaabangan ng mga awtoridad.
Patuloy naman ang pagdagsa ng mga evacuess na galing sa ilang barangay dahil sa takot sa kanilang naririnig na malalakas na dagundong ng bulkan.
Sinasabi sa ulat ng Provincial Disaster Coordinating Council na 9,200 pamilyang nakatira sa 8-kilometer danger zone ng bulkan ang nagsilikas hanggang kahapon ng umaga at tumuloy sa mga temporary shelter na inilatag ng pamahalaan. (Ed Casulla, Angie dela Cruz)