5 Ampatuan swak sa Bicutan
MANILA, Philippines - Magsasama-sama ang limang magkakaanak na Ampatuan na pangunahing suspek sa Maguindanao massacre sa sandaling ilipat ang apat pa sa kanila dito sa Metro Manila para humarap sa paglilitis.
Kabilang sa mga pinaplanong ilipat ng kulungan sa Metro Manila sina Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng 6th Infantry Division ng Philippine Army sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ang tatlong iba pa na nakakulong naman sa Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Fermin Lira sa General Santos City ay sina Autonomous Region for Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan, Maguindanao Vice Governor Sajid Akhmad Ampatuan at Anwar Ampatuan, Mayor ng Shariff Aguak, Maguindanao.
Ang isa pa na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. ay nasa kustodya naman ng National Bureau of Investigation sa Maynila matapos itong sumuko noong Nobyembre 26 o ilang araw matapos ang karumal-dumal na massacre.
Ang mga Ampatuan ang sinasabing utak sa pagharang noong Nobyembre 23 sa Saniag, Ampatuan, Maguindanao sa convoy nina Genalyn Mangudadatu, kasama ang 32 mediamen habang patungo sana sa Shariff Aguak upang magsumite ng Certificate of Candidacy sa Commission on Elections para sa pagtakbo ng mister nitong si Buluan Vice Mayor Esmael ‘Toto” Mangudadatu sa pagka-gobernador ng lalawigan.
Si Mangudadatu ay kalaban ng isa sa mga Ampatuan sa pagsabak sa gubernatorial race sa lalawigan na siyang sinasabing motibo ng karumaldumal na massacre.
Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa, hinihintay lamang nila ang commitment order mula sa korte upang ilipat ng detention cell sa Bicutan ang mga isinasangkot sa Maguindanao Massacre.
Nabatid naman kay General Santos City Vice Mayor Florentina Congson na ang pananatili ng apat na miyembro ng pamilya Ampatuan sa kanilang lungsod ay nagdudulot ng takot sa mga residente.
- Latest
- Trending