MANILA, Philippines - Limang Pinoy na sinasabing pawang “transvestites” o lalaking nagsusuot ng damit pambabae at hinihinalang kasapi ng Ativan Gang na kumikilos sa China ang sinentensyahan ng Shanghai court ng hanggang 13 taong pagkabilanggo noong Biyernes.
Sa ipinalabas na desisyon ng Shanghai No. 1 Intermediate People’s Court, napatunayang nagkasala ang mga Pinoy na kinilalang sina Rizal John Talao dela Cruz, Marc delos Reyes Garcia, Randell Eric Mabal Dabalus, Roman Paz Cristobal at Erecson Veloria Malaque. Sila ay nagkaka-edad ng 26 hanggang 30.
Sina dela Cruz ay sinentensyahan ng 13 taon, Cristobal 12 taon, Dabalus 11 taon Malague 10 taon at Garcia 9 na taong pagkabilanggo.
Iniutos din ng korte ang pagkumpiska sa mga illegal na pag-aari ng mga akusado at ang pagpapatapon sa kanila sa China kapag natapos na ang kanilang jail term.
Gaya ng istilo ng kilabot na Ativan Gang sa Pilipinas, pinaiinom ng beer at pinakakain muna ng tsokolate na may halong droga o pampatulog ang mga akusado ang mga biktimang dayuhan. Kapag tumalab at nakatulog na ang biktima ay saka nila ninanakawan.
Gayunman ang pinagkaiba sa China ay nagsusuot ng pambabae ang miyembro ng sindikato saka inaakit at pinangangakuan ng sex sa motel o bahay ng mga lalaking bibiktimahin.
Nabatid ng korte na nakapambiktima ang limang Pinoy sa pagitan ng Disyembre 2008 hanggang February 2009 at nakakulimbat sa mga biktima ng umaabot sa halagang 340,000 yuan o US$49,787 (tinatayang P2.34 milyon). Bukod sa cash, nakatangay sila ng mga relo, mobile phones at credit cards na ginagamit pa sa pagbili ng mga pabango, alahas at cellphones. (Ellen Fernando)