MANILA, Philippines - Itinaas na sa alert level 4 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alarma sa bulkang Mayon, mata pos maitala ang may 453 volcanic quakes kahapon w at malakas na mga harmonic tremors.
Ayon kay July Sabit ng Phivolcs sa isinagawang press conference sa probinsya ng Albay pasado alas-4 ng hapon, ang pagpapakita ng abnormalidad ng bulkan kabilang ang malakas na dagundong o rumbling sounds at pagdami ng pagyanig mula dito ay indikasyon para itaas sa level 4 ang alerto nito.
Ang dagundong anya ay umaabot na sa Sto. Domingo, Albay na hudyat ng posibleng pagsabog nito anumang araw.
Sinabi ng Phivolcs, para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan, inirekomenda ng pamunuan ang extended danger zone sa bukana nito na may 8 kilometers mula sa southern sector at 7 kilometro sa northern sector.
Una na ring ipinahiwatig ni Phivolcs Director Renato Solidum na maaaring itaas na sa alert level 4 ang alarma ng bulkan, kung magpatuloy pang tataas ang naitatalang harmonic tremors nito sa susunod na 18 oras.
Sinasabing ang characteristics ng alert level 4 ay ang patuloy na pagyanig at mga mahinang antas ng pagyanig, ang pagtaas at pagbaba ng level ng sulfur dioxides na patuloy na inilalabas nito, at matinding paglabas ng mga lava mula sa bunganga ng bulkan.
Aminado ang ahensya na patuloy ngang tumataas ang abnormality level ng bulkan kung kaya’t napakalaki na rin ng posibilidad na sumabog ito at inaasahang mangyari sa Enero 1 pagpasok ng Bagong Taon.
Nauna nang binanggit ng mga Phivolcs na aabutin ng 10 kilometro ang isasabog na abo ng bulkang Mayon, sakaling mangyayari ang explosive eruption nito.
Kaugnay nito, iniulat naman ng local civil defense na nailikas na ng mga otoridad ang may 8,000 sa tinatayang nasa 9,000 pamilya na nakatira sa loob ng itinalagang 8-kilometer danger zone.