MANILA, Philippines - Naibigay na ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang mahigit sa kalahating milyong piso mula sa P10 milyon reward money para sa dalawang tipster na naging dahilan upang madakip ang dalawang pugante at pagkakapatay sa isa pa.
Ayon kay Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor, spokesman ng ATC, simula umano ng pursuit operations tatlo sa 21 terorista na tumakas mula sa Basilan Provincial Jail ang naaresto at ang P350,000 na reward money ay naibigay na sa isang tao na siyang nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan nito kayat naaresto si Amil Baylon at pagkakapatay kay Nasirul Baliyung na isang Abu Sayyaf member.
Paliwanag pa ni Blancaflor na ang nasabing operasyon ay ginawa ng magkasanib na puwersa ng Isabela City police at MBLT mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nanawagan naman si Blancaflor sa publiko na sinoman ang nakakaalam sa kinaroroonan ng 19 pang mga terorista na makipag-ugnayan sa Counter Terrorism Unit ng ATC at sa mga otoridad at nangakong mananatiling lihim ang mga pagkakakilanlan sa mga ito. (Ludy Bermudo)