MANILA, Philippines - Sari-saring mga armas ang panibagong nasamsam ng mga intelligence operatives ng militar matapos salakayin ang isa pang hinihinalang arms cache ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa isinagawang raid sa Brgy. Bagong, Shariff Aguak, Maguindanao kamakalawa.
Kabilang sa mga nakuha ay tatlong M60 machineguns, isang K3 Minimi, 12 M14 rifles, 15 M16 rifles, 3 M16 rifles na burado ang serial numbers, dalawang M1 carbine at isang cal. 30.
Ang operasyon ay kaugnay ng pinaigting na paglalansag ng mga Private Armed Groups (PAGS) ng mga political warlords sa Maguindanao at paghahanap sa mga armas na posibleng ginamit sa madugong masaker ng 57 katao noong Nobyembre 23.
Samantala, bandang alas-2 naman ng hapon kamakalawa ay nagsurender ng kanilang mga armas ang mga Civilian Volunteers Organization (CVO) at CAFGUs sa Guindulungan, Maguindanao.
Kabilang sa isinuko ng mga ito ay limang M14 rifles, tatlong M16 rifles, dalawang carbine rifles at limang garand rifles.
Nagpapatuloy naman ang pagtugis sa mga loyalistang CVO’s ng angkan ng mga Ampatuan na isinasangkot sa malagim na masaker. (Joy Cantos)