MANILA, Philippines - Tiwala si Philippine Green Republican Party (PGRP) presidential candidate Dr. Felix Cabrera Cantal na mapapasama pa rin siya sa mga lehitimong “presidential candidate” sa pagsusumite nila ng apela sa Commission on Elections upang irekonsidera ang kanyang kandidatura.
Kabilang si Cantal sa mga hindi nakasama sa walong pangalan ng mga “presidentiables” na inaprubahan ng Comelec kamakailan.
Sinabi nito na itinuturing lamang nilang maliit na problema ang hindi pagkakasama sa inisyal na listahan ng maaaring tumakbo sa pagka-Pangulo ng bansa.
Kasama sa “position paper” na isusumite ng kanyang mga abogado sa Comelec ang kanyang kakayahang pinansyal upang patunayan na kaya nilang magsagawa ng isang nasyunal na kampanya sa darating na “campaign period”.
Ipinagmalaki nito na kaya niyang makipagsabayan sa ibang mga presidentiable kung pondo lamang ang pagbabasehan. Tiwala siya na kapag napag-aralan ng Comelec ang kanyang dokumento ay bibigyan na siya nito ng “green light” para tumakbo sa halalan.
Iginiit rin nito na hindi aplikado sa kanya ang mga criteria para ideklara siyang “nuisance candidate” dahil may sarili siyang partido, may pondo para sa kampanya at kumpleto maging ang kanyang listahan ng mga senatoriables. (Mer Layson)