MANILA, Philippines - Pinag-iingat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente sa posibleng insidente ng sunog at pinsalang kaakibat ngayong Kapaskuhan, kasabay ng pagpapaalala na kasado na ang paghahanda ng pamahalaang lungsod.
Itinaas naman ni Echi verri sa alert status ang pamahalaang lungsod dahil sa mas maraming insidente ng sunog at kaso ng firecracker-related injury sa mga panahong ito.
Kaugnay nito, patuloy sa pagmo-monitor ang Caloocan City Health Department (CHD) sa limang malalaking pagamutan sa siyudad na tinaguriang sentinel hospitals.
Patuloy naman ang inspeksiyon ng mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) sa ilang establisyemento at residential area upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, lalo na ng kabataan, laban sa mga ipinagbabawal at ilegal na paputok.
Kabilang na rito ang piccolo, watusi o dancing firecracker, 5-star “Rebentador,” “Kingkong,” pla-pla at boga o kanyong gawa sa tubo ng PVC.