Lim umalma sa disqualification
MANILA, Philippines - Sumugod kahapon sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila upang maghain ng motion for reconsideration ang mga national candidates na diniskuwalipika nito at idineklarang nuisance candidates o panggulong kandidato.
Kabilang sa mga unang umalma sa resolusyon ng Comelec ay ang detenidong si Brig. Gen. Danilo Lim na nais kumandidato sa pagka-senador sa 2010 polls.
Binigyang-diin ni Lim na hindi siya dapat na diniskuwalipika ng Comelec dahil tatlong malalaking political parties ang nag-adopt sa kaniya bilang kandidato ng mga ito.
Bukod pa dito, kasama rin aniya siya sa mga nangungunang pangalan na nais iboto ng mga tao sa mga isinasagawang national surveys.
Nabatid na si Lim ay tatakbo sa ilalim ng tiket ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na presidential candidate ng Liberal Party, at adopted candidate din siya ng Pwersa ng Masa Pilipino ni dating Pangulong Joseph Estrada, na kasama rin sa mga kandidatong pinayagang makalahok sa 2010 presidential race.
Binigyang diin pa ni Lim na isa umanong paninikil sa demokrasya ang nasabing pagbabasura ng Comelec sa kaniyang kandidatura dahil ang laban niya sa pagtakbong Senador sa 2010 polls ay laban ng buong sambayanang Pilipino. (Mer Layson/Joy Cantos)
- Latest
- Trending