MANILA, Philippines - Pinalaya na kahapon ng mga hostage-taker ang 47 kataong bihag nila sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Ito ang sinabi ni Chief Supt. Espina, spokesman ng Philippine National Police (PNP), matapos na umano’y sumang-ayon ang lider na si Juan “Ondo” Perez na sumuko sa Crisis Management Committee kahapon at palayain ang hawak niyang mga natitirang bihag.
“After final nego, that ended 1510h Ondo Perez already agreed to release and submit themselves to the conditions set by the CMC. The Tms (teams) went back to Maitum to fetch the hostages and the hostage takers,” sabi sa text messages na ipinadala ni Espina.
Hindi naman binanggit ni Espina ang naging kasunduan nina Perez at ang CMC para mapalaya ang nasabing mga bihag, pero ayon sa ulat, pumayag si Perez na pawalan ang 47 hostage matapos na pirmahan ng government negotiators ang kasunduang hindi siya dapat arestuhin maging ang kanyang miyembro at ang lahat ng kaso laban kay Perez at tauhan nito ay ibabasura at maaring dalhin sa National Commission on Indigenous Peoples.
Ayon kay Espina, naging mabunga ang ginawang pagtitiyaga ng CMC sa pakikipag-negosasyon sa mga hostage-taker para maging maayos at matiwasay ang gagawing pagpapalaya.
Kaugnay nito, kinumpirma din ni Senior Supt. Nestor Fajura, chief for operations sa Region 13 police office, ang naturang pagpapalaya kung saan sinabi nito na kasama ni Perez ang grupo ng mga negosyador sa Sitio Maitum, Brgy. San Martin sa bayan ng Prosperidad para sa opisyal na paglaya ng mga nalalabing bihag.
Ang hostage crisis ay nangyari noong Huwebes matapos pasukin ng grupo ni Perez, dating guerilya at miyembro ng Manobo tribe, ang isang paaralan sa Agusan Va- lley rehiyon ng Mindanao at dalhin ang 75 katao.
Dalawampu’t walong hostages, kasama ang 18 bata ang nauna nang pinalaya at nangako si Perez na palalayain ang natitira kahapon ngunit na-delay ito dahil sa dami ng hinihinging demands nito.