Pamilya Ampatuan hirit ikulong sa Sta. Rosa
MANILA, Philippines - Inirekomenda kahapon ng dalawang senador na dalhin sa Sta. Rosa, Laguna ang buong pamilya Ampatuan na hawak ngayon ng gobyerno dahil sa pagkakasangkot sa madugong Maguindanao massacre kung saan nasa 57 tao ang nasawi.
Ayon kina Senate minority leader Aquilino “Nene” Pimentel Jr. at Senator Jose “Jinggoy” Estrada, kung hindi mapipigilan ang paglilipat sa Maynila ng pamilya Ampatuan, ito’y mas makakabuting ibilanggo sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa.
Sa nasabing bilangguan din ikinulong sina Sen. Estrada at amang si dating Pangulong Estrada dahil sa kasong plunder. Inamin ni Estrada na mahirap ang buhay ng sinumang mabibilango sa training camp ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
Nabilanggo naman si dating ARMM Governor Nur Misuari sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa dahil sa kasong rebelyon pero inabsuwelto ito kamakailan.
Ayon kay Estrada, isa sa pinakamalungkot na lugar ang Fort Sto. Domingo dahil isolated ito sa publiko.
Minaliit din ni Estrada ang posibilidad na mapasok ang kampo dahil mahigpit aniya ang seguridad at napaka-imposibleng maisahan ang mga bantay. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending