Joint session tatagal pa
MANILA, Philippines - Dahil sa dami ng mga senador at congressmen na posibleng magtanong sa mga resource persons na ipinadala ng Malacañang, posibleng tumagal pa ang joint session ng Senado at House of Representatives tungkol sa idineklarang Martial Law sa Maguindanao.
Ayon kay Senator Miriam Defensor-Santiago, posibleng hindi pa rin matapos agad ang joint session na sinimulan noong Miyerkules dahil bibigyan ng tig-30 minuto ang bawat miyembro ng Kongreso upang magtanong sa resource persons.
Kahapon idinaos ang ikalawang araw ng joint session ng Senado at House of Representa-tives sa Batasan Com-plex, Quezon City.
Unang tumayo si Makati Rep. Teddy Locsin pero sa halip magtanong ay dinepensahan nito kung bakit dapat hayaang gumana ang martial law sa Maguindanao.
Isa si Locsin sa kumontra sa martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ngunit ipinagtatanggol niya ang martial law ni Pangulong Arroyo dahil kailangan anya ito sa harap ng karumal-dumal na pagmasaker sa 57 katao at pagkakatuklas ng mistulang arsenal ng mga armas at bala na ikinakabit sa mga Ampatuan.
Nagpahayag din ng pangamba si Santiago na gamitin ang joint session sa pangangampanya ng mga nais tumakbo sa 2010 elections.
Isa si Santiago sa naniniwalang hindi naaa-yon sa batas ang pagdedeklara ng Martial Law sa Maguindanao dahil wala naman umanong nangya yaring rebelyon sa lugar.
Aminado naman maging si House Speaker Prospero Nograles na posibleng abutin pa ng isang linggo ang joint session ng Senado at Kamara. (Butch Quejada/Malou Escudero)
- Latest
- Trending