MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong katiwalian sa tanggapan ng Ombudsman si Agriculture Secretary Arthur Yap kaugnay sa multi-million instant noodles scam sa Department of Education.
Personal na nagsampa ng naturang kaso si Dennis Quido, star witness ng Senado sa naturang scam, dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng ice making machine na hindi dumaan sa bidding at malaki ang halaga at dapat aniyang managot dito si Yap at ang mga opisyal ng National Agri-Business Corporation dahil sa direktang nasa ilalim ito ng kanyang tanggapan matapos na bumili ito ng 98 units ng nasabing makina.
Pinahintulutan umano ni Yap na maisakatuparan ang pagbili ng mga makina sa NABCOR matapos na i-award ang kontrata sa Integrated Refrigeration Systems and Services (IRSS) na itinuturing na kolorum.
Nadiskubre din na sinuhulan pa umano ni Yap ang negosyanteng si Peter Go Cheng, sales manager ng Kolonwell Trading ilang araw matapos na mabulgar ang nasabing transaksiyon.
Bukod kay Yap, sinampahan din ni Quido ng kasong malversation at grave misconduct si Nabcor president Allan Javella, mga Board of Directors at mga opisyal ng Bids and Awards Committee.
Iginiit ni Quido na kailangan papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa naturang scam. Umaabot sa P4.6 milyon ang presyo ng lumang ice making machine ang ibinebenta ng IRSS gayung P2.3 milyon lang anya ang tunay na presyo ng pinakamagandang uri ng makina. (Butch Quejada)