Disqualification vs Erap ibinasura ng Korte Suprema
MANILA, Philippines - Bunga ng masyado pang maaga, nabalewala lamang ang petisyon na nagpapa-diskwalipika sa kandidatura ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Ito’y dahil sa pagbasura ng Korte Suprema kahapon sa petisyon na humihiling na idiskuwalipika ang kandidatura ni Estrada sa 2010 presidential election bunsod ng pagiging premature.
Ayon kay Supreme Court Deputy Spokesperson Gleo Guerra na sa Commission on Election (Comelec) dapat unang inihain ang petisyon na syang may hurisdiksyon sa nasabing kaso at hindi kaagad umakyat sa Korte Suprema.
Matatandaan na naghain ang grupong Vanguard sa pangunguna ni Atty. Elio Mallari ng disqualification case laban kay Estrada, sa giit na isang paglabag sa probisyon ng 1987 Constitution hinggil sa pagbabawal na hindi na maari pang tumakbo o mare-elect ang isang naupo nang Pangulo ng bansa.
Sa ngayon, dalawang disqualification case laban kay Estrada ang nakabinbin pa sa Comelec. Sa petisyon nina Evillo Pormento at Atty. Oliver Lozano, hindi na maaring tumakbo pa si Estrada dahil nakapagsilbi na ito bilang pangulo noong 1998 hanggang 2001.
Subalit ayon kay Es trada, dalawang taon at kalahati lamang siyang naging pangulo kaya’t maaari pa rin siyang tumakbo bilang presidente. (Ludy Bermudo/Doris Franche)
- Latest
- Trending