Maguindanao massacre sa Quezon City lilitisin
MANILA, Philippines - Kinatigan ng Korte Suprema ang kahilingan ng Department of Justice na maisampa sa Quezon City Regional Trial Court mula sa Cotabato City Regional Trial Court ang kasong multiple murder na kinakaharap ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.
Gayunman, isasagawa ang pagdinig ng nasabing kaso sa loob ng Camp Crame para matiyak ang seguridad ng suspek kasabay ang pag-aatas kay QC-RTC Executive Judge Ofelia Marquez na agad i-raffle ang kaso.
Itinanggi naman ni Department of Justice Justice Secretary Agnes Devanadera ang posibilidad na hindi maisampa ang kasong multiple murder laban sa mga Ampatuan bukod pa sa kasong rebelyon.
Aniya, hindi maaaring pagsamahin ang kasong rebelyon at multiple murder ng mga suspek dahil mas unang nangyari ang pagpatay ng mga ito sa 57-katao at kasunod nito ang tangkang rebelyon sa Maguindanao.
Samantala, tuluyan na rin naisampa ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group ang kasong rebelyon laban kina Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., ARMM Gov. Zaldy Ampatuan, acting Maguindanao Gov. Sajid Islam Ampatuan, Maguindanao Vice-Gov. Al Hadji Akmad Ampatuan at Shariff Aguak Mayor Anwar Ampatuan.
Kasama din sa charge sheet sina Kusain Akmad Sakilan; Jovel Vista Lopez; Romy Gimba Mamay; Sammy Duyo Villanueva; Ibrahim Abdulkadir; Samil Mindo; Goldo Ampatuan; Amaikugao Dalgan; Billy Gabriel Jr.; Abdullah Ampatuan; Morieb Ibrahim; Umpa Yarya; Manding Abdulkadir; Dekay Ulama; Kapid Cabaya; Koka Managilid; Sammy Macabuat; Duca Amban at Akmad Ulilisen.
Pinag-aaralan na rin ni Devanadera ang panukalang ilipat ng kulungan ang 24-miyembro ng Ampatuan clan. Si Ampatuan Sr. ay nasa kustodiya na ng militar sa Davao City habang ang ARMM governor ay hawak ng CIDG sa General Santos City.
Si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., na siyang tinuturong mastermind sa pagpaslang sa 57 inosenteng mga sibilyan ay nauna ng dinala sa main office ng National Bureau of Investigation (NBI) sa lungsod ng Maynila.
Sa pinakahuling ulat, naglalatag na ng security plans ang NBI sa posibleng paglilipat sa kanila ng kustodiya ni ARMM Governor Zaldy Ampatuan.
Ito’y dahil na rin sa na kalap nilang imbestigasyon na nakalabas na ng Metro Manila ang mga sangkot sa Nov. 23 Maguindanao massacre, na kinabibilangan umano ng CAFGU, Civilian Volunteers Organization at private armies, bago pa magdeklara ng martial law sa Maguindanao. (Dagdag ulat nina Joy Cantos at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending