MANILA, Philippines - Ihahain na ngayong araw sa Korte Suprema ang pagkuwestiyon sa legalidad ng proklamasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagsasailalim sa martial rule ng Maguindanao province.
Nabatid na pangungunahan ito ni Atty. Harry Roque na nagsasabing dapat ipawalang-bisa ang nasabing proklamasyon dahil sa kawalan umano ng sapat na basehan at itinuturing na ‘overkill’.
Nangangamba si Roque sa posibilidad na ideklara din sa Maynila o sa buong bansa ang martial law upang hindi matuloy ang eleksiyon sa 2010, sa pamamagitan ng posibleng paggawa ng senaryo.
Isa lamang umanong simpleng police matter ang usapin sa Maguindanao kahit pa marami ang napatay na hindi naman kailangang mauwi sa pagdedeklara ng batas militar.
Kabilang sa pinangangambahan din ang posibleng pag-abuso ng mga awtoridad sa karapatang pantao partikular sa warrantless arrest na maaring gawin habang nasa ilalim ng martial law ang lugar.
Iginiit naman ng Malacañang na walang ‘overkill’ sa ginawang pagdedeklara ng martial law sa Maguindanao gaya ng akusasyon ng ilang pulitiko na mula sa oposisyon, kundi nais lamang nitong mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng Maguindanao massacre matapos hindi na gumana dito ang judicial system.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, inaanyayahan din ng gobyerno ang Commission on Human Rights na magtungo sa Maguindanao upang masiguro na walang nalalabag na karapatang pantao kahit umiiral ang martial law sa nasabing lalawigan.
Umabot na sa 62 katao ang inaresto ng mga awtoridad na pawang mga tauhan ng mga Ampatuan.