89 stranded OFWs sasagipin ng OWWA
MANILA, Philippines - Nahandang saklolohan ng overseas Filipino Workers Administration ang may 89 manggagawang Pinoy na biktima ng pagmamaltrato ng kanilang employer sa Saudi Arabia.
Tiniyak ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon na tutulungan nila sa pamamagitan ng pagbibigay ng plane ticket ang mga nagigipit na OFWs makaraang tumigil sa trabaho kamakailan dahil sa mga reklamong pagkaantala at illegal na pagbabawas ng kanilang suweldo at sa hindi pagtupad ng kanilang employer sa nilagdaang employment contract.
Ang hakbang ng OWWA ay bilang tugon sa panawagan ng mga manggagawang Pinoy na kumalas sa kumpanyang Annasban sa Riyadh na sila ay makauwi sa Pilipinas upang makapiling ang kani-kanilang pamilya ngayong nalalapit na Kapaskuhan.
Naantala ang pagpapauwi sa mga OFWs dahil na rin sa hindi pagpayag ng employer na magbigay ng exit papers dahil sa hinihinging penalty o multa sa hindi pagtupad na tapusin ang kontrata. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending