MANILA, Philippines - Nangako si House Speaker Prospero Nograles na matitigil na ang pamamayagpag ng grupong Davao Death Squad at mapapalitan na ang bansag dito na”Summary execution capital” ng bansa.
Ayon kay Nograles, pinaghahandaan na niya ang kanyang bagong trabaho sa oras na makalusot sa darating na 2010 election. Si Nograles ay naghain ng kanyang certificate of candidacy para tumakbo bilang alkalde ng Davao.
Aniya, gagawin niya ang Davao bilang pinakamapayapa at progresibong lungsod sa bansa matapos na umapela ang iba’t ibang human rights watchdog sa buong mundo na matuldukan na ang “extra judicial killing” sa Davao.
Kinondena din ni Nograles ang pagbibingi-bingihan ng mga lokal na opisyal sa Davao City sa nagaganap na patayan kung saan kumitil na ang DDS ng1,000 katao.
Bunsod nito, hinikayat ni Nograles ang mga residente ng lalawigan na gamitin ang 2010 election para makalaya na ito sa lumalalang karahasan. (Butch Quejada)