MANILA, Philippines - Binatikos kamakailan ng isang konsehal ang pagkakapasa ng P3 bilyong budget ng pamahalaang lokal ng Taguig para sa taong 2010.
Pinuna ni Taguig first District Councilor Atty. Darwin Bernabe Icay na diniskaril ang pagpapatibay para ito lumobo at umano’y magamit sa darating na halalan.
Halata umano ito dahil hindi pinalahok ang mga oposisyong konsehal sa pagdedebate at paghihimay sa badyet. Inantala rin anya ang pagbibigay ng kopya nito sa oposisyon.
Inihalimbawa ni Icay na, sa pinagtibay na budget, itinaas sa P61 milyon mula sa dating P48 milyon ang pondo para sa sahod ng mga casual employee ng pamahalaang-lokal ng Taguig habang itinaas naman sa P24 milyon mula sa dating P18 milyon ang para sa mga contractual employee.
Napunta na lang anya ang halos buong budget ng city hall sa mga sahod ng empleyado.
Pinuna din ni Icay ang paglobo ng financial assistance ng city hall mula P46 milyon nitong 2009 na P132 milyon na sa 2010. (Butch Quejada)