Senado sumuporta sa PASG
MANILA, Philippines - Sinuportahan ng Senado sa pangunguna ni Senate President Juan Ponce Enrile ang paglaban ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) laban sa smuggling activities sa bansa.
Sinabi ni Sen. Enrile sa radio program na “Kontra Smuggling” ni PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr. sa DZRH, buo ang suporta ng Senado sa PASG sa paglaban nito sa smuggling sa bansa.
Ayon kay Enrile, nararapat lamang bigyan ng todo-suporta ng Senado ang PASG laban sa smugglers dahil ‘ninanakawan’ ng mga smugglers ng bilyong piso sa hindi pagbabayad ng buwis.
Ginawa ng Senate chief ang pagsuporta sa PASG sa gitna ng mga paninira sa PASG kung saan ang mga natatamaan ng anti-smuggling campaign ay gumagastos upang mabuwag ang nasabing ahensiya.
Nilinaw din ni Enrile na ang 20 araw na TRO na ipinalabas ni Manila Regional Trial Court Judge Silvino Pampilo Jr. ay hindi mapipigil ang kapangyarihan ng gobyerno upang mangolekta ng buwis.
Itinuturing ang PASG bilang isa sa tanggapan ng pamahalaan na nag-aakyat ng pera sa kaban ng bayan.
Bago rito, nanawagan si Sen. Francis Escudero na tigilan na ang pang-iintriga sa PASG kung nais ng pamahalaan na matugunan ang problema ng katiwalian at mapalakas ang pangongolekta nito ng buwis. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending