MANILA, Philippines - Ipinahayag ng Commission on Elections na hanggang sa Disyembre 6 lamang nila tatanggapin ang mga petisyon o reklamo laban sa mga kandidatong naghain ng certificate of candidacy (COC).
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, tatanggapin nila ang mga reklamong tulad ng legalidad, paggamit ng ibang pangalan o palayaw para makagulo sa kapwa kandidato at kwestiyon sa pagkamamamayan ng isang aspirante sa alinmang posisyon.
Agad namang isasalang ng Comelec sa evaluation ang nabanggit na mga petisyon bago magpalabas ng desisyon ang en banc sa huling bahagi ng Disyembre.
Sa loob din ng buwang ito ay malalaman kung sino ang mga papayagang makatakbo at kung sinu-sino naman ang mga “nuisance candidates.”
Layunin ng maagang pagdedeklara nito ay upang huwag ng maisama ang mga pangalan ng ilang aspirante sa i-emprentang balota sa buwan ng Enero na gagamitin sa kauna-unahang nationwide computerized elections. (Doris Franche)