Truck driver na pumik-ap ng backhoe lumutang sa NBI

MANILA, Philippines - Bukod sa backhoe operator na hawak ng National Bureau of Investigation (NBI), lumutang na rin ang truck driver na siyang nagdala ng backhoe sa ba­rangay na pinangya­rihan ng Maguindanao mas­sacre at idinetalye ang pagkakasangkot ni Ma­guin­danao Governor Andal Ampatuan Sr., ama ng nakapiit na si Datu Unsay Mayor Andal Ampa­tuan Jr.

Nasa NBI-Region 12 ang hindi pa ibinunyag na pangalan ng truck driver, na nagsumite ng affidavit sa kaniyang partisipasyon at nalalaman sa krimen.

Ayon sa ulat ng NBI, ang nasabing truck driver ay nagtatrabaho sa Provincial Engineering Office ng Shariff Aguak, Maguin­danao at siya umano ang inutusan ng ‘kanang-kamay’ ni Ampatuan Sr., na isang alyas “Bong” na empleyado rin umano ng anak na si Ampatuan Jr.

Sa tawag sa kaniya sa radio ni “1-3”, ang code umano ni alyas “Bong” sa radio, inutusan siya na dal­hin ang backhoe at isakay sa prime mover truck.

Si Bong din ang ka­nang-kamay ni Ampatuan Sr. sa pamamahala ng mga heavy equipment sa nasabing lalawigan.

Tiniyak umano ng na­sabing driver na ang mga utos ni “Bong” ay may bas­bas o nagmumula sa go­bernador (Ampatuan Sr.)

Inutusan umano din siya ni Bong na pakarga­han ng 30 litro ng krudo ang truck sa Petron gasoline station, at pik-apin ang backhoe malapit sa police headquarters.

Ang nasabing gasoline station ay nag-iisa sa lugar at pag-aari umano ito ni Mayor Ampatuan Jr., kung saan niya umano isinakay ang backhoe sa prime mover truck.

Mula Petron, nagtungo sila sa Barangay Kauran at hinarang sila sa checkpoint na minamando ng Civilian Volunteers Organization (CVO) at Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) personnel ng Bgy. Salman.

Doon na umano inalis ni Hamid Delayudin, ang isa pang backhoe operator, ang backhoe mula sa truck.

Naiwan umano siya at ang truck nang dalhin na ni Delayudin ang backhoe na nagtungo sa bundok sa Bgy. Salman.

Habang ang truck driver naman umano ay nasa Bgy. Labu-Labu ay narinig nito ang sunod-sunod na mga putok ng baril na nagmumula uma­no sa bundok kung saan nagtungo si Delayudin dala ang backhoe, subalit hindi umano niya ito pinansin dahil normal lamang ang mga putok ng baril.

Dakong 2:00 ng hapon ay nalaman niyang inalis na ang checkpoint at b­inuk­san na ang highway sa moto­ rista ay muli siyang naka­tanggap ng tawag mula sa cashier ng Petron na si “Alex” at pinakukuha umano sa kaniya ang na­ka­para­dang backhoe dahil sira naman.

Nasa bahay na siya nang mabalitaan sa radio na may naganap na masa­ker sa nasabing lugar kaya hindi na siya pumasok sa trabaho dahil sa takot. (Ludy Bermudo)

Show comments