Gloria resign! - FVR
MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni dating Presidente Fidel Ramos ang kanyang kaalyadong si Presidente Gloria Arroyo na magbitiw sa tungkulin kung sasabak sa halalan sa pagka-kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa ilalim ng partidong Lakas-Kampi.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Ramos na hindi patas sa mga ma kakalaban niya sa 2010 kung mananatili siya sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan.
“Papaano yung mga ordinaryong tao na gustong tumakbo rin sa pagka-kinatawan ng kanyang distrito?” tanong ng dating Pangulo.
Nauna nang binatikos ni Ramos ang Pangulo na aniya’y “pinabababa ang opisina ng panguluhan” sa kanyang pagkandidato sa mas mababang puwesto.
Bukod dito, tinuligsa rin ng dating pangulo si Mrs. Arroyo dahil sa halip na asikasuhin ang problema sa Maguindanao ay mas mahabang panahon pa ang iniuukol sa kanyang lalawigan.
Halos tiyak na ang panalo ng Pangulo dahil itinuturing siyang “uncontested” o walang kalaban dahil pulos hindi kilala ang mga itinatapat sa kanya.
Sa Senado, kinampihan naman ni Sen. Miriam Santiago ang planong pagtakbo ng Pangulo sa mas mababang puwesto dahil kuwalipikado naman ito.
“Karapatan niyang tumakbo kahit sa pagka-barangay captain o kagawad,” ani Santiago.
Ang pahayag ni Santiago ay taliwas naman sa sinabi ng ilang senatorial candidate dahil kahit sa posisyon ng barangay captain ay hindi ito kuwalipikado.
Gayunman, pinayuhan ni Sen. Juan Miguel Zubiri si Arroyo na mas mabuti kung maging “senior statesman” na lang ito ng bansa pagkatapos ng termino sa 2010, gaya ng ginawa ni Ramos at yumaong pangulong Corazon “Cory” Aquino.
Ngunit ang lahat ng payo at opinion para kay Arroyo ay mababalewala dahil desidido na itong tumakbong congresswoman ng Pampanga matapos na pormal na magsumite ng Certificate of candidacy kamakalawa sa naturang lalawigan.
- Latest
- Trending