MANILA, Philippines - Binalaan ng isang non-governmental organization ang publiko na huwag nang kainin o iwasan muna ang pagkain ng isdang kanduli.
Ito ayon kay Sonny Batungbacal ng Tambuyog Development Center (TDC) ay dahil nakatanggap sila ng impormasyon mula sa fisheries industry na ang cream dory fish o ang isdang kanduli na naibebenta sa mga palengke at mga pamilihan bilang fish fillet sa mga supermarket ay nagtataglay ng preservative o sulfuric acid at bleaching agents o potassium hydroxide na nakalalason.
Sinabi din nito na walang basic testing facilities ang pamahalaan para magsagawa ng pagsururi sa mga fish fillet na imported mula sa Vietnam at China.
Ang potassium hydroxide ay isang corrosive substance na ginagamit sa paggawa ng sabon.
Una rito, nanawagan sa pamahalaan ang TDC na tiyakin na may kapasidad itong proteksiyunan ang kaligtasan ng mga mamimili bago ito pumasok sa anumang kasunduan sa World Trade Organization upang higit na maprotektahan ang kalusugan ng taumbayan. (Angie dela Cruz)