MANILA, Philippines - Isang ‘healing at political conciliation’ na liderato ang isusulong ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. matapos itong maghain ng kanyang certificate of candidacy sa Commission on Elections kahapon.
“Tututok ang aking liderato sa paghihilom,” wika pa ni dating Defense Secretay Teodoro kasabay ang pagsasabing hindi ito panahon para mag-experiment, bagkus, ang kailangan ay subok na liderato.
Kasabay ni Gibo na naghain ng COC ay ang kanyang running mate na si TV celebrity Edu Manzano matapos nilang dumalo sa isang misa sa Manila Cathedral na inialay nila sa 57 biktima ng Maguin danao massacre. Naglunsad din ng sabay-sabay na misa ang supporters ng Lakas-Kampi-CMD sa ibat ibang lungsod ng Bacolod, Davao, Iloilo at Olongapo.
Sinamahan sila ng libo-libong supporters na nakasuot ng berdeng damit nang magtungo sila sa Comelec.
Sinabi pa ni Teodoro na ang paghahain nila ni Manzano ng COC ay panimula pa lamang ng mahabang paglalakbay tungo sa tagumpay nila sa 2010 elections. Naghain din ng COC upang kumandidatong senador sa ilalim ng administration party sina Rey Langit at Binaloan, Pangasinan Mayor Ramon Guico Jr.
Iginiit pa ni Teodoro, 1989 bar topnothcer at Harvard-trained na lawyer, na pangunahing isusulong niya ang reporma para sa kagalingan ng taumbayan lalo sa kanayunan at pagsusulong ng mga economic reforms upang gumanda ang buhay ng mga Filipino.
Naniniwala rin si Teodoro na hindi maaapektuhan ang kanyang kandidatura sa pagtakbo ni Pangulong Gloria Arroyo bilang kongresista sa Pampanga. (Rudy Andal)