4 model OFW family wagi
MANILA, Philippines - Apat na katangi-tanging pamilya ng overseas Filipino workers ang nagwagi sa ginawang patimpalak ng taunang ‘Model OFW Family of the Year Awards’ na inorganisa ng Overseas Workers Welfare Administration.
Ayon kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, ang apat na kuwalipikadong OFW families na tumanggap ng award mula sa MOFYA ay ang mga pamilyang Lubis ng Lipa, Batangas; Bello family ng Masbate; pamilyang Tamayo at Naga family ng Lanao del Sur.
Kumatawan sa apat na pamilya sina Engineer Rodolfo Pita Lubis mula Batangas para sa kategoryang land-based OFWs, habang si Capt. Emilio Bajar Bello ng Masbate naman para sa sea-based OFWs.
Samantala, binigyan ng award para sa entrepreneurship at community development ang pamilya ng mga OFWs na sina Sebastian Tamayo ng NCR at Zenaida Naga ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang MOFYA ay ibinibigay taun-taon ng OWWA sa pamamahala ni Labor Sec. Marianito Roque para sa mga deserving OFWs na may matatag na relasyon sa pamilya, pag-angat ng antas sa buhay mula sa pinalagong kita ng OFW at pagtulong sa komunidad kung saan siya nakatira. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending