MANILA, Philippines - Dahil umano sa kawalan ng pondo, tuluyan nang umatras sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa sa darating na 2010 election si dating Public Works Secretary Hermogenes Ebdane Jr.
Umiiyak na inihayag ni Ebdane kahapon ang kanyang pag-urong sa harap ng kanyang mga supporters na dumalo sana para hintayin ang gagawin niyang pagproklama sa sarili bilang kandidatong pangulo sa University of the Philippines (UP) Bahay Alumni sa lungsod Quezon.
Ilan sa binigyang katwiran ni Ebdane sa kanyang pag-atras ay ang hindi natupad na pangako o suporta umano ng ilan, partikular ang mga nag-udyok sa kanya para tumakbo.
Ayon kay Ebdane, sa kabila na malaki ang suportang kanyang natatanggap mula sa hanay ng mga manggagawa at maging sa mga magsasaka, iba anya ang politika at maraming nangyari sa loob halos ng isang buwan simula ng mag-anunsyo siya na tumakbo.
Kaya naman dismayado ang mga taga-suporta ni Ebdane na ilan sa kanila ay galing pa sa mga lalawigan na agad ding nagsipaglisan bunga ng pagkagulat sa deklarasyon nito na umatras na sa nasabing karera.
Una rito, nagsagawa pa ng pagpupulong ang Partido ng Manggagawa at Magsasaka para pormal na iproklama si Ebdane bilang kanilang standard bearer sa 2010.
Animo’y piyesta sa nasabing lugar habang hinihintay si Ebdane pero nabalutan ito ng lungkot nang magpahayag ng pag-atras ang opisyal.
Gayunman, bagama’t umatras na siya sa pagtakbo, determinado naman umano siyang buuin ang partido lalo na ang pagbibigay daan para sa pro-labor at pro-peasant legislation para sa de kalidad na buhay ng mga manggagawa at magsasaka.
Kasunod nito, pinasalamatan ni Ebdane ang mga nagtiwala sa kanya lalo na ang mga obispo at mga pari.