MANILA, Philippines - Ihahayag ni Partido ng Manggagawa at Magsasaka (PMM) standard-bearer Hermogenes Ebdane Jr. ang kanyang bise-presidente at senatorial line-up sa Bahay ng Alumni sa University of the Philippines sa Nobyembre 29.
Ang kandidatura ni Ebdane ay suportado ng iba’t-ibang grupo ng mga manggagawa mula Luzon, Visayas at Mindanao para isulong ang adbokasiya sa ‘living wage”.
Una ng nagpahayag ng kanilang suporta ang grupong Anak-pawis at Partidong Manggagawa (PM) kung saan pawang damit na pula ang kanilang isusuot dahil ito ang kulay ng mga manggagawa at magsasaka.Ito din ang kulay ng apoy at dugo na simbolo ng enerhiya, lakas, kapangyarihan at determinasyon kasama na rin ang pagnanais at pagmamahal.
Naunang iniendorso ni Davao del Norte Governor Rodolfo del Rosario si Ebdane sa kanyang talumpati sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City.
Kabilang sa plataporma de gobyerno ni Ebdane ay ang mabigyan ng mataas na sweldo ang mga manggagawa at ipaglaban ang karapatan ng mga ito. Si Ebdane ay maghahain ng certificate of candidacy sa darating na Disyembre 1. (Butch Quejada)