MANILA, Philippines - Idineklara ng International Federation of Journalist na ang Pilipinas ang pinakadelikadong lugar para sa mga miyembro ng media o mamamahayag matapos na isama sa massacre ang 37 miyembro ng media.
Sa ipinalabas na statement ng IFJ na nakabase sa Brussel, naungusan na ng Pilipinas ang Iraq sa pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag. Ang Iraq ang kinikilalang pinakadelikadaong lugar dahil sa patuloy na kaguluhang nagaganap dito.
Bago naganap ang Maguindanao massacre ay ikaapat lang ang Pilipinas sa listahan ng “deadliest country for journalist” ngunit umakyat sa pangalawa noong 2008.
Kinondena din nito ang gobyernong Arroyo dahil sa kabiguang mapatigil ang “culture of impunity” sa mga nagdaang taon kung saan sa rekord ng IFJ, 74 journalists na ang napapatay sa loob ng walong taong panunungkulan ni Pangulong Gloria Arroyo at tanging apat lang sa insidente ang nalutas.
Bunsod nito, magbibigay ang IFJ ng support sa ilalim ng International Safety Fund para sa mga biktima ng massacre sa Maguidanao. Susuporta din ito sa National Union of Journalists of the Philippines para sa seguridad ng mga media men. Nagpadala na rin ang NUJP ng miyembro nito para magsagawa ng imbestigasyon.
Samantala, pinangunahan naman nina United Nations Secretary General Ban Ki-Moon at European Commissioner for External Relations Benita Ferrero-Waldner ang pagkondena sa naturang massacre. Aniya ang lahat ng miyembro ng UN ay nanawagan sa administrasyong Arroyo na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga naturang journalists, sibilyan at politiko. (Ellen Fernando)