MANILA, Philippines - Pagkakalooban ng Order of Lakandula ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Pilipinong street educator na si Efren Penaflorida na tinanghal na CNN Hero of the Year.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, nakikiisa si Pangulong Arroyo sa pagbati kay Penaflorida matapos itong tanghalin kamakalawa ng gabi bilang CNN Hero of the Year dahil sa kanyang pushcart education program sa mga kabataan at batang lansangan.
Sinabi ni Remonde na pagkakalooban ng Order of Lakandula award si Penaflorida sa sandaling umuwi ito sa bansa.
Balak din ng Senado na kilalalin ang kabayanihan ni Penaflorida na nagtataguyod ng edukasyon ng mga mahihirap na kabataan sa pamamagitan ng kanyang “pushcart classroom” program.
Inaasahan na maghahain ng kani-kaniyang resolusyon ang mga senador kung saan nauna na si Senator Pia Cayetano upang parangalan si Penaflorida. (Rudy Andal at Malou Escudero)