Pekeng pera kalat sa Taguig
MANILA, Philippines - Isang lalaki na intelligence asset diumano ng Taguig City Hall na ginagamit sa anti-drugs operations ang nahuling gumagamit umano ng pekeng pera habang nakikipagpustahan sa sabungan sa munisipyo ng Pateros.
Ayon kay Pateros Chief Police Supt. Danny Macatlang, inaresto nila ang isang nagngangalang John Gregorio alyas “Buhawi” nang gumamit umano ito ng isang pekeng P1,000 habang tumataya sa sabungan.
Sa masusing imbestigasyon ng Pateros Police, isang pulis-Pasig ang nakapustahan daw nito kaya’t hindi nakalusot ang ipinupustang huwad na salapi. Nang kapkapan ng mga pulisya ang naturang suspek, nakita na mayroon pang pekeng P20 sa loob ng wallet nito.
Sinabi rin ni Gregorio na isang media officer umano ni Taguig City Mayor Freddie Tinga ang kanyang diumano’y “handler” sa mga operasyon sa illegal drugs.
Kamakailan, nabunyag sa Taguig ang isang counterfeit money syndicate na kung saan dalawang lalaki ang nahulihan ng mga pekeng P100 na ibinebenta naman sa mga ibang kriminal na grupo sa halagang P70 kada piraso.
Maliban sa mga masasamang grupo sa Taguig na ang modus operandi ay pekeng pera, maugong din sa naturang lungsod ang talamak na illegal na droga.
Mayroon ng nahuli ang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at mga kawani pulisya na pitong miyembro ng naturang sindikato, na lahat ay may apelyido umanong Tinga. (Mer Layson)
- Latest
- Trending