MANILA, Philippines - Hinikayat ng Department of Education ang mga kabataan na natigil sa pag-aaral at maagang nasub sob sa pagtatrabaho na gawing idolo at sundan ang yapak ni boxing icon Manny Pacquiao na tinapos ang edukasyon nito sa pamamagitan ng “Alternative Learning System (ALS)”.
Sinabi ni Secretary Jesli Lapus na hindi dapat mawalan ng pag-asa na makatapos sa pag-aaral ang milyon-milyong “out of school youths” lalo na iyong napilitang magtrabaho na lamang tulad ni Pacquiao.
Natapos ni Pacquiao ang pag-aaral nito sa elementarya at high school nitong 2006 sa pamamagitan ng programang ALS na maaaring makapag-aral ang isang indibidwal kahit wala sa paaralan sa pamamagitan ng mga materyales na pag-aaralan nito sa sariling oras at makakatapos kung maipapasa ang mga angkop na pagsusulit.
Sinabi pa ni Lapus na kanilang ipinagmamalaki si Pacquiao na kanilang Ambassador para sa ALS. (Danilo Garcia)