Marcos kay Villar na!
MANILA, Philippines - Pormal nang sinelyuhan ng Nacionalista Party ni Senador Manny Villar at Kilusang Bagong Lipunan sa pangunguna ni Ilocos Norte Congressman Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang alyansa ng dalawang partido sa isang seremonya sa makasaysayang Laurel House sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Villar na “nagkakaisang pagsusumikapan namin ang tumitinding hamon na tugunan ang kahirapan na siyang patuloy na gumugupo sa mas nakararaming mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalit ng liderato.”
Kinakatigan ni Marcos na tatakbong senador sa 2010 ang pangunahing adbokasiya ng NP laban sa kahirapan partikular ang pagpapalakas ng kapangyarihan sa mahihirap sa lahat ng aspeto bilang pangunahing prayoridad.
Idinagdag pa niyang nakaangkla ang alyansang NP-KBL sa pagtitiwala at kumpiyansa sa integridad at liderato ng lider ng NP na pinagtibay ng sariling pagsusumikap laban sa kahirapan.
Ayon sa kongresista, “si Villar ay isang simpleng tao na may mapagkumbabang pinanggalingan ngunit may malawak na pananaw para sa ating bansa. Hindi lamang niya naintindihan ang pagiging mahirap, nagsimula ang kanyang buhay sa maliit, tulad ng mga ordinaryong Filipino.”
Idinagdag naman ng kapatid ni Bongbong na si dating Ilocos Norte Rep. Imee Marcos, pangkalahatang-kalihim ng KBL, na “hindi na dapat kasangkot sa susunod na halalan ang mga namayapa ngunit dapat ituon sa mga kandidato, alinsunod sa kanyang kuwalipikasyon at kahandaan para sa pampublikong posisyon. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending