14 presidential bets unang naghain ng COC
MANILA, Philippines - Hanggang kahapong alas-5:00 ng hapon, umaabot na sa 17 kandidato sa pambansa at lokal na halalan sa taong 2010 ang nagsampa ng kani-kanilang certificate of candidacy sa punong tanggapan ng Commission on Elections sa Intramuros, Manila.
Hindi pa kasama sa talaan ang mga kandidato sa iba’t ibang lokal na posisyon sa mga bayan at lalawigan sa buong bansa.
Gayunman, hanggang sa isinusulat ito, 14 na kandidatong presidente at tatlo naman sa pagka-senador ang nagsampa ng COC sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros. Wala pang nagsasampa para sa posisyon ng bise presidente.
Kauna-unahang naghain ng kaniyang COC sa Comelec law department dakong 8:40 ng umaga ang nagpakilalang Teacher-Preacher na si Rigoberto Madera Jr. ng Bohol na tatakbo sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan.
Kumpiyansa si Mandera na mananalo siya sa halalan dahil ang Diyos umano ang bahalang umalalay sa kaniya.
Bukod kay Madera, naghain din ng COC ang mga gusto ring maging presidente na sina Gilbert Garcia, isang Physicist; Wendell Lope, taxi driver ng Tondo Manila; Vicente Fabella, negosyante; Gregoria Samia; Josefina Murillo, masahista; Peter Pelegrino, retiradong guro; Carmelo Carreon, licensed insurance agent; ang kontrobersyal na si Atty. Oliver Lozano; Vetallano Acosta, financial consultant; Daniel Magtira na namahagi pa ng mga torotot at t-shirts; Ernesto Balite na isa ring retired teacher; Sultan Min Bilad Villaflor na nagsabing ito na ang ikasiyam na pagkakataon na naghain siya ng kaniyang COC.
Ayon kay Lozano, sa sandaling mahalal siya sa pagka-Pangulo ay aalisin niya ang sequestration ng multi-billion gold at dollar Marcos deposits at gagamitin niya ang nasabing mga ari-arian para resolbahin ang economic crisis, kahirapan at kagutuman sa bansa sa loob lamang ng anim na buwan at kung hindi niya ito magagawa ay magbibitiw siya.
Isang Eduardo Fernandez naman ng Malate, Manila ang pang-13 na naghain ng COC at ayon sa kaniya, hindi siya tatanggap ng suweldo kapag nahalal siya bilang Pangulo dahil pensiyonado naman aniya siya sa GSIS at tumatanggap ng suporta mula sa kaniyang anak na nakapag-asawa ng dayuhan.
Dahil naman sa pagdagsa ng mga gustong tumakbo sa pagka-Pagulo sa unang araw ng filing ng COC, umapela ang Comelec sa mga susunod pang maghahain ng kandidatura na limitahan na lamang ang mga pakulo o gimik.
Pinuna rin ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal ang palaging pagdadala ng sangkatutak na mga supporters, banda at pakulo ng ilang mga pulitiko kapag maghahain ng COC.
Ayon kay Larrazabal, ang ganitong nakagawian ng mga kandidato ay na kapagpapagulo lamang sa proseso.
Ang pagsasampa ng COC ay hanggang sa hatinggabi ng Dis. 1, 2009.
- Latest
- Trending