MANILA, Philippines - Kinatigan ni Pangulong Arroyo na ipagpatuloy at pag-ibayuhin ang kampanya ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa pangunguna ni Undersecretary Antonio “Bebot” Villar.
Nagkausap sa telepono ang Pangulong Arroyo at si Villar kahapon matapos tanggapin ng PASG ang regional trial court 20-day temporary restraining order (TRO) na nagpapatigil sa operasyon ng PASG.
Ang court order ay ibinaba ni Manila RTC Br. 26 Judge Silvino Pampilo kasunod ng petisyon ng British national na si Alpha Kwok na nahulihan ng mahigit P250 milyong-halaga na smuggled jewelry at diamonds.
“Inaasahan namin ito dahil malalaking smuggler ang kalaban namin pero naniniwala ako na mapapatunayang lehitimo at legal ang aming operasyon,” ani Usec. Villar.
Kasama ang Bureau of Immigration (BOI) at Bureau of Customs (BoC) sa naturang operasyon.
Sinabi pa ni Villar na ang petisyon ay “harassment suit” lamang at bahagi ng politically-motivated “demolition job” laban sa PASG.
Sinabi ni Villar kay Presidente Arroyo na nagsasawa na siya sa paninira laban sa kanya at PASG.
“Manghuli kami, pinalalabas pang mali kami. Kung di ka manghuhuli, sasabihin nasusuhulan kami. Kapag nanghuli ka at hindi mo tinanggap ang areglo, ididimanda ka ng pangingikil,” sabi ni Villar.
Samantala, pinasinungalingan din ni Usec. Villar ang nalathalang reports ng extortion attempts sa Korean traders ng PASG agents.
Sa ipinadalang sulat ni Wan Sup Park, may ari ng PKSS Enterprises kay Villar ay humihingi ito ng paumanhin at nilinaw na walang katotohanan ang akusasyong humingi ng ‘padulas’ ang raiding team sa kanya. (Rudy Andal/Doris Franche)