MANILA, Philippines - Walang magaganap na pagtaas ng halaga ng pa masahe sa mga pampasaherong sasakyan laluna sa mga pampasaherong jeep hanggang sa Kapaskuhan at sa pagpasok ng susunod na taong 2010.Ito ang ginawang paglilinaw ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Alberto Suansing sa gusto ng transport group na gawing 50 sentimos hanggang P1.00 ang fare hike sa pampasaherong sasakyan dahilan sa panibagong oil price hike nitong Martes.
Sinabi ni Suansing na bagamat tumaas ng P2.00 ang halaga ng produktong petrolyo, dapat na lamang bumuo ng isang transport cooperative ang hanay ng sektor ng transportasyon upang sila ay makapag-import ng sariling langis para makatipid sa gastusin sa halip na mag-apruba ang LTFRB ng panibagong taas pasahe.
Inihayag naman ng mga kumpanya ng langis na maaaring umabot sa P4.50 ang kabuuang itataas ng kanilang mga produkto hanggang sa pumasok ang Disyembre dahil sa patuloy na pagtaas umano ng halaga ng krudo sa internasyunal na merkado. (Angie dela Cruz/Danilo Garcia)