COC filing simula na bukas
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Commission on Elections (Co melec) na dapat nang alisin ng mga kandidato ang kanilang mga commercial at advertisement sa sandaling maghain ng kanilang certificate of candidacy na magsisimula bukas, Nobyembre 20.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, hindi umano nila papayagan ang mga pulitiko na tumakbo sa halalan kung patuloy sa pag-ere ang kanilang mga infomercials.
Sinabi ni Sarmiento na posibleng makasuhan ng premature campaigning ang sinumang lalabag at batayan ng kanilang diskuwalipikasyon.
Ang filing ng COC ay mula Nobyembre 20 hanggang Disembre 1, habang ang campaign period ay magsisimula tatlong buwan bago ang halalan sa national candidates habang 45 araw naman bago ang eleksiyon sa local candidates.
Binigyan-diin din ni Sarmiento na hindi din maaaring mag-promote ang mga kandidato sa pamamagitan ng tarpaulin dahil maituturing na rin umano itong pangangampanya.
Tiniyak din ni Sarmiento na nakamonitor ang kanilang tanggapan at maging ang mga may season’s greeting ay kanilang ipagbabawal. Aniya hindi dapat na samantalahin ng mga pulitiko ang holiday season.
Samantala, sinabi naman ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na pinapayagan pa ring lumabas sa telebisyon ang mga artistang tatakbo sa halalan. Subalit kailangan lamang pawang trabaho ang gagawin nito at hindi pangangampanya sa TV.
Kailangan umanong maging maingat ang mga artistang sasabak sa eleksiyon dahil, sinusubaybayan ito ng komisyon kung pangangampanya o hindi ang kanilang paglabas sa telebisyon. (Doris Franche)
- Latest
- Trending