MANILA, Philippines - Pinigil kahapon ng Senado ang naunang resolusyon na humihiling sa Ethics committee na idismis na ang kasong double insertion at C-5 road deal laban kay Sen. Manny Villar.
Bilang reaksiyon, sinabi ni Villar na pinipigilan ang dismissal ng kaso dahil batid ng mga itong malaki ang maitutulong nito sa kandidatura ng pambato ng Nacionalista Party.
Sinabi naman ni Cong. Gilbert Remulla, tagapagsalita ng NP, ayaw ng mga kalaban ni Villar na makalusot ang resolusyon na pirmado ng 12 senador mula sa iba’t ibang partido pulitikal na nagdedeklarang walang kasalanan ang huli sa alegasyon nina Senador Panfilo Lacson at Jamby Madrigal tungkol sa umanoy double insertion sa C-5 projects.
“Mismong ang mga testigo na sila mismo ang nagpatawag ang nagsabi na walang ilegal na ginawa si Villar at lahat ng transakyon ay naaayon sa batas taliwas sa bintang nina Sen. Lacson at Sen. Madrigal,” pahayag ni Remulla.
Bukod kina Lacson at Madrigal, pumalag sa inihaing resolusyon ng 12 senador si Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri, na napaulat na natatalo sa isinagawang recount ng Senate Electoral Tribunal sa mga boto mula sa protesta ni Aquilino “Koko” Pimentel III.
Higit sa usapin ng “timing” dahil naunang inihain ang resolusyon kaysa sa desisyon ng Senate Committee of the Whole na nagsiyasat sa C-5 project, iginiit ni Remulla na mas dapat bigyan ng halaga ang pananaw ng mayorya ng mga senador na nakapirma na naniniwalang absuwelto si Villar.
Nakatakda muling magbakasyon ang Kongreso sa linggong ito at magbabalik ang sesyon sa susunod na buwan na, upang bigyan daan ang pagsusumite ng kandidatura ng mga tatakbo sa 2010 elections sa Commission on Elections.
Si Senadora Loren Legarda, na kabilang sa mga sumuporta noon na imbestigahan si Villar sa C-5 project, ay kasama sa mga pumirma sa resolusyon na nagsasabing walang kasalanan ang presidente ng NP.
Pinuri ni Legarda si Villar dahil sa pagiging maunawain nito at hindi nagtatanim ng galit na isang palatandaan umano ng mahusay na lider.
Kinastigo naman ni Senate Minority leader Aquilino Pimentel ang ginagawang pag-intriga nina Lacson, at Zubiri na konektado ang resolusyon para itulak ang pagbabago ng liderato sa Senado.
Iginiit ni Pimentel na nais lamang nilang 12 senador na ipahayag ang kanilang saloobin sa C-5 project na walang kasalanan at pulitika lamang ang nasa likod ng alegasyon nina Madrigal at Lacson.
Ang mga pumirma sa resolusyon ay sina Pimentel (Independent), Cayetano (Independent), Pia Cayetano (Independent), Lito Lapid (Lakas-Kampi-CMD), Gregorio Honasan II (Independent), Joker Arroyo (Independent), Miriam Defensor-Santiago (Peoples Reform Party), Ramon “Bong” Revilla Jr. (Lakas-Kampi-CMD), Jinggoy Ejercito Estrada (Pwersa ng Masang Pilipino), Loren Legarda (Nacionalist Peoples Coalition), Francis Pangilinan (Liberal Party) at si Villar (Nacionalista).
Ayon kay Remulla, sila ay nagpapasalamat sa mga senador na tumindig para sa katotohanan.