Inabswelto ng 12 senador sa C-5 isyu: Villar nabunutan ng tinik

MANILA, Philippines - Mistulang nabunutan ng tinik sa lalamunan si Sen. Manuel Villar mata­pos lumagda sa isang resolusyon ang 12 sena­dor upang hilingin ang pag-dismiss sa kaso la­ban sa kanya kaugnay ng kontrobersyang C-5 road deal.

Itinuturing na uma­nong mayorya ng 23-kataong Senado ang 12 bilang ng mga kumampi kay Villar.

Ikinatuwa naman ni Villar ang inihaing reso­lus­yon na patunay na wala siyang ginawang masama at ilegal sa pag­suporta sa proyekto. Ina­asahan niyang makapag­bibigay ito ng ginhawa sa tinatayang limang mil­yong tao na pumapasok at lumalabas ng Cavite patungong Metro Manila bawat araw. 

Sa Senate Resolution 1472, hinimok ng 12 se­nador sa Ethics committee ng Senado na i-dismiss na ang naturang kaso laban sa Nacio­na­lista Party standard bea­rer kaugnay ng mga kaso sa C-5 at “double insertion” issue.

Kabilang sa mga lu­magda sina Senators Aqui­lino Pimentel, Alan Peter Cayetano, Pia Ca­yetano, Lito Lapid, Gre­gorio Hona­san, Joker Arroyo, Miriam Santiago, Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, Francis Pangili­nan at mismong si Villar.

Isinulat pa ni Villar malapit sa kanyang lagda ang mga katagang “bilang pagtatanggol sa aking pangalan.”

Binigyang diin sa re­solusyon na sa reklamo laban kay Villar, hindi na-establish ang iregularidad na “double insertion” sa 2008 General Appropriations Act.

Sinabi pa na kahit ang mga testigo ng nagrek­lamo kay Villar ay nag-testify na walang katiwa­lian sa C-5 extension project. Wala rin uma­nong naiprisintang ebi­densya ang mga tumes­tigo laban kay Villar upang idiin ang huli sa kaso.

Ayon naman kay Sen. Alan Peter Cayetano, ang resolusyon ay isang “vindication” para kay Sen. Villar. Ani Cayetano, ta­nging si Sen. Jamby Madrigal la­mang at kanyang abogado ang nagpaha­yag ng pa­ratang kay Villar.

Ang bilang ng mga lumagdang senador ay kumakatawan na umano sa mayorya ng 23 sena­dor.

Show comments