Inabswelto ng 12 senador sa C-5 isyu: Villar nabunutan ng tinik
MANILA, Philippines - Mistulang nabunutan ng tinik sa lalamunan si Sen. Manuel Villar matapos lumagda sa isang resolusyon ang 12 senador upang hilingin ang pag-dismiss sa kaso laban sa kanya kaugnay ng kontrobersyang C-5 road deal.
Itinuturing na umanong mayorya ng 23-kataong Senado ang 12 bilang ng mga kumampi kay Villar.
Ikinatuwa naman ni Villar ang inihaing resolusyon na patunay na wala siyang ginawang masama at ilegal sa pagsuporta sa proyekto. Inaasahan niyang makapagbibigay ito ng ginhawa sa tinatayang limang milyong tao na pumapasok at lumalabas ng Cavite patungong Metro Manila bawat araw.
Sa Senate Resolution 1472, hinimok ng 12 senador sa Ethics committee ng Senado na i-dismiss na ang naturang kaso laban sa Nacionalista Party standard bearer kaugnay ng mga kaso sa C-5 at “double insertion” issue.
Kabilang sa mga lumagda sina Senators Aquilino Pimentel, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Lito Lapid, Gregorio Honasan, Joker Arroyo, Miriam Santiago, Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, Francis Pangilinan at mismong si Villar.
Isinulat pa ni Villar malapit sa kanyang lagda ang mga katagang “bilang pagtatanggol sa aking pangalan.”
Binigyang diin sa resolusyon na sa reklamo laban kay Villar, hindi na-establish ang iregularidad na “double insertion” sa 2008 General Appropriations Act.
Sinabi pa na kahit ang mga testigo ng nagreklamo kay Villar ay nag-testify na walang katiwalian sa C-5 extension project. Wala rin umanong naiprisintang ebidensya ang mga tumestigo laban kay Villar upang idiin ang huli sa kaso.
Ayon naman kay Sen. Alan Peter Cayetano, ang resolusyon ay isang “vindication” para kay Sen. Villar. Ani Cayetano, tanging si Sen. Jamby Madrigal lamang at kanyang abogado ang nagpahayag ng paratang kay Villar.
Ang bilang ng mga lumagdang senador ay kumakatawan na umano sa mayorya ng 23 senador.
- Latest
- Trending