Ralph at Vilma lumipat kay Noynoy
MANILA, Philippines - Lumipat na sa Liberal Party ni Senador Benigno “Noynoy” Aquino III ang mag-asawang sina dating National Economic and Development Authority Secretary General Ralph Recto at Batangas Governor Vilma Santos-Recto.
Pormal na inihayag kahapon ng LP ang paglipat sa kanila ng mag-asawang Recto sa pamamagitan ng kandidatong bise presidente ng partido na si Mar Roxas.
Si Recto na dating senador ay kaanib ng Nacionalista Party bago lumipat sa LP habang si Vilma ay kabilang dati sa makaadministrasyong Lakas-Kampi-CMD.
Sinabi pa ni Roxas na isa rin si Ralph Recto sa magiging kandidatong senador ng LP sa halalan sa susunod na taon.
“Malaking dagdag si Ralph (Recto), marami siyang linya sa ekonomiya at malaking tulong sa gobyerno,” sabi naman ni Aquino.
Bukod kay Recto, kasama sa senatorial slate ng LP sina dating Senate President Franklin Drilon, dating Bukidnon Rep. Nereus Acosta, Anakbayan Partylist Rep. Rizza Hon tiveros, Bukidnon Cong. Teofisto “TG” Guingona III at Muntinlupa Congressman Ruffy Biazon.
Ayon naman kay Recto, naging maayos ang naging pagpapaalam niya kay Senador Manuel Villar Jr. ng Nacionalista Party na kasama niya sa Wednesday Club.
Si Villar ang magiging standard bearer ng NP sa halalan.
“Nagpaalam naman ako kay Manny, tinawagan ko siya. Mahirap iyong sitwasyon ko kasi magkaibigan kami. Pero hindi naman kami magkasama noong 2007. Alam naman ng tao iyan at wala naman akong partido,’ sabi pa ni Recto.
- Latest
- Trending