Impormante, inako ng PDEA

MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang isang lalaking nahuli sa Pateros na may dalang “computer printout” copies ng isang-libong piso ay isang undercover PDEA informant.

Ayon kay Major Ferdi­nand Marcelino, director ng PDEA Special Enforcement Service (SES), ang informant ay aktibong tu­mu­tulong sa pang-araw-araw na operasyon ng PDEA.

Nilinaw ni Marcelino na ang informant ay aktuwal na nagsasagawa ng surveillance operation at sinu­sundan niya mula Taguig City ang isang suspect na illegal drugs dealer nang siya ay sitahin ng mga pulis sa Pateros cockpit arena noong Martes.

Tumutulong ang PDEA sa anti-drugs task force ng tanggapan ni Mayor Freddie Tiñga at Taguig PNP unit.

Sinabi pa ni Marcelino na isa pang informant ang naroon at may dala-dalang surveillance gadgets ngu­nit minabuti niyon na umalis upang hindi mabun­yag ang PDEA covert ope­ration.

Ipinaliwanag pa ng PDEA official na ang computer printouts o mga kopya ng one-thousand peso bill ay ginagamit lamang na “show money” sa pakikipag-dealing sa mga drug suspects.

Ang “low-quality resolution printouts” na nasa ordinary bond papers ay hindi nakalaang gamitin sa anumang komersiyal na transaksiyon, ani Marcelino.

Dapat maunawaan na may pag-aatubili ang informant na ibunyag ang mga bagay-bagay ukol sa covert operations ng PDEA.

Nakiusap si Marcelino na bigyang konsiderasyon ang informant na isang matuwid na mamamayan na malaki ang naisa­kripisyo para makatulong sugpuin ang paglaganap ng illegal drugs.

Ang impormante ay siyang sole breadwinner at ama ng tatlong maliliit na bata. (Butch Quejada)

Show comments