Pabahay muna bago demolisyon hirit sa MMDA

MANILA, Philippines - Dapat munang tiyakin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na may mapaglilipatan ang mga pamil­ yang squatters na kanilang ide-demolish sa Quezon City.

Sinabi ni QC Council Majority Floor Leader Atty. Ariel Enrile Inton na kung hindi magagarantiya ng MMDA at magpapakalat-kalat lamang sa mga kal­sada ang mga pamilyang matatamaan ng kanilang demolisyon, hindi umano ma­ngingimi ang City Council na sila ang magsampa ng kaso laban dito.

Isinagawa ni Inton ang panawagan ng tiyak at maayos na pabahay kasa­bay ng pagbabanta ng MMDA na kaka­ suhan ng “contempt” sa korte ang mga lokal na opisyales ng pamahalaan na mamama­gitan at makikialam tuwing may demolition operation sila sa mga iligal na squatters lalo na iyong mga naninirahan sa mga “danger zones” tulad ng tabing-creek, ilog at iba pang daluyan ng tubig.   

Ito’y matapos na pabo­ran ng Korte Suprema ang MMDA at sabihin na may otoridad sila na magsa­gawa ng pagbabaklas ng mga iligal na obstruktura sa Metro Manila na hindi na nangangailangan ng “court order” dahil sa mandato nila ito.

Sa kasalukuyan, ma­rami nang pamilya na unang na­apektuhan ng paglilinis sa mga estero ng MMDA ang nag­kalat ngayon sa mga kalsada ng Quezon City partikular na sa may Congressional Ave­nue. (Ricky Tulipat)

Show comments