MANILA, Philippines - Dahil kay Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao at hindi dahil sa pagdating ni US Secretary of State Hillary Clinton kung kaya agad na pinalaya ng mga kidnappers ang Irish priest na si Fr. Michael Sinnott.
Ayon sa pari, nagdesisyon ang mga dumukot sa kanya na pakawalan siya sa gubat ng Mindanao nang maaga dahil nais nilang maabutan at mapanood ang laban ni Pacquiao kay Puerto Rican Miguel Cotto.
“Your freedom is our freedom. We don’t want to be here for a long time, too. And we want to watch Pacquiao’s fight,” ayon kay Sinnott, base sa pahayag umano ng kanyang kidnappers.
Nahihirapan na rin umano ang mga abductors na alagaan pa si Fr. Sinnott. Dahil kasi aniya sa matanda na ang dayuhang pari sa edad na 79 at mayroon pang karamdaman, nagiging pabigat ito sa mga abductors dahil hirap itong maglakad, lalo na’t nagpapalipat-lipat sila ng lugar, at naglalakad pa ng may walong oras sa kabundukan.
Nauna nang sinabi ng mg kritiko ng Arroyo administration na ang pagpapalaya kay Sinnot ay nasa timing dahil sa pagdating ni Clinton na itinanggi naman ng Palasyo. (Ricky Tulipat/Mer Layson)