MANILA, Philippines - Binalewala lang ni Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) head Antonio “Bebot” Villar ang ginawang Congressional hearing at tinawag itong isang “well-orchestrated at well-funded” public relations stunt na ikinasa ng isang alyansa ng mga personalidad na may layuning ipa-abolish ang ahensiya.
Sinabi ni Villar na ang anti-PASG campaign, tulad ng inaasahan, ay sinimulan ng isang Agapito Mendez Jr., isang suspendidong broker na iniimbestigahan ng ahensiya dahil sa maanomalyang shipment na binubuo ng 5,000 containers ng textile fabrics at plastic resin na dapat sana’y nagbigay sa gobyerno ng P1.4 billion sa buwis at iba pang duties.
Dahil sa kanyang malawak na impluwensiya at abogadong si Bonifacio Alentajan, nakumbinsi ni Mendez si Albay Rep. Francis Bichara at ilang miyembro ng Kamara na isagawa ang publicity stunt na layong durugin ang Executive Order No. 624, ang batas na lumikha sa PASG.
Sa kanyang parte, nahaharap naman si Bichara, na nagbigay ng isang maanghang na privilege speech laban sa PASG bago ang hearing, sa isang citizenship case na isinampa sa Commission on Elections noong 2007 elections at dahil dito, nag-aalangan siya kung itutuloy ang planong tumakbo bilang gobernador sa 2010.
Sa kabila noon, nagsilbi siya bilang congressman ng ikatlong distrito ng Albay ng siyam na taon at naging gobernador pa ng nasabing lalawigan ng siyam pang taon.
Hindi naman ikinagulat ang privilege speech ni Bichara dahil may alitan ito sa PASG operatives ukol sa umano’y illegal na importasyon ng hot luxury cars.
Sa kabilang dako, ipinaliwanag naman ni Villar na sina Alentajan at Mendez ay nais makaganti sa PASG dahil ang abogado ay defense counsel ng inakusahang jewelry smuggler na si Ms. Alpha Kwok habang si Mendez ay nahaharap sa kasong paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines. (Butch Quejada/Gemma Garcia)