Mundo ng Pinoy titigil uli
MANILA, Philippines - Inaasahang muling titigil ang mundo ng mga Pinoy sa pinakaaabangang boxing match ng ring icon ng Pilipinas na si Manny “Pacman” Pacquiao at Puerto Rican boxer Miguel Cotto sa Las Vegas, Nevada ngayong Linggo ng umaga (Sabado ng gabi sa US).
Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., tat long pasilidad ng AFP sa Camp Aguinaldo ang kanilang inihahanda upang magsisilbing venue ng libreng panonood ng mga sundalo at ng kanilang mga pamilya sa laban na tinawag na “Fire Power.”
Sinabi ni Brawner na buo ang suporta nila kay Pacman dahilan isa itong reservist ng Philippine Army sa ranggong Master Sergeant.
Samantala sa Camp Crame, ang Multi-Purpose Hall Center ay mayroon nang mga tarpaulin ng Pacquiao-Cotto match na magsisilbi namang venue ng PNP para sa kanilang mga pulis na nais makapanood ng boxing match.
Ang dalawang mahusay na boksingero ay maglalaban sa kauna-unahang World Boxing Council (WBC) diamond belt na gawa sa Mexico City na may 18 carat gold bukod pa sa 800 diyamante, emeralds, rubies at 150 batong Swarovsky.
Sa mga kampo ng militar sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay pahihintulutan rin ang mga sundalo na manood pansamantala ng boxing bout nina Pacman at Cotto o ang ‘unilateral ceasefire’ pero sa kabila nito ay nakaalerto pa rin sa posibleng pag-atake ng mga rebeldeng grupo. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending