Comelec executive itinumba!

MANILA, Philippines - Patay ang isang Provincial Comelec officer sa Isabela matapos na pag­ba­barilin ng dalawang hindi nakilalang armadong salarin sa lodging inn na pag-aari nito sa nasabing lalawigan.

Kinilala ni Chief Supt. Roberto Damian, Police Regional Office (PRO) 2 Director ang biktima na si Atty. Michael Valdez, 37 anyos, law graduate sa St. Louis University sa Baguio City.

Si Valdez ay idinekla­rang dead on arrival sa Tumauini Community Hospital sa Isabela matapos na magtamo ng apat na tama ng cal. 45 pistol.

Batay sa imbestigas­yon, sinabi ni Damian na na­ganap ang pamamas­lang sa biktima sa Country State Inn na pag-aari nito sa Brgy. 4 , Tumauini, Isabela dakong alas-5:45 ng umaga kahapon.

Bago ito ay nag-check-in sa lodging inn ng biktima ang mga suspect na na­tulog dito sa loob ng tatlong araw.

Kahapon ay kinatok pa umano ng mga suspect ang kuwartong tinutulugan ng biktima at pagbukas ng pinto ay agad itong pinag­babaril.

Matapos ang krimen ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin lulan ng kulay pulang wave motorcycle patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Nabatid na ang biktima ay stepson ng namaya­pang si Atty. Felimon Asperin Sr. ng Agoo, La Union at stepbrother ni Felimon Asperin Jr., isa ring election officer sa Bauang, La Union.

Sinabi ni Damian na iniimbestigahan pa nila ang motibo ng krimen pero malakas ang teorya na may kinalaman ito sa la­banan sa pulitika kaugnay ng gaganaping halalan sa Mayo 2010.

Nabatid na marami ring hinahawakang kaso ang biktima kabilang na ang election protest laban kay Isabela Governor Grace Padaca.

Bunsod nito, masusi ng pinag-aaralan ngayon ng komisyon kung kailangang ideklarang “hotspot” ang lalawigan.

Pero ayon kay Come­lec Commissioner Rene Sar­ miento, hihintayin muna nila ang ulat mula sa Philippine National Police (PNP) para matukoy kung dapat bang ideklarang hotspot ang lalawigan.

Sinabi ni Sarmiento na sa ngayon “premature” pang iugnay sa eleksyon ang pagkakapaslang kay Valdez dahil patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito. (Dagdag ulat nina Doris Franche at Mer Layson)

Show comments