MANILA, Philippines - Isang Barangay Chairman at Barangay Secretary sa Binondo Maynila ang sinuspinde ng Office of the Ombudsman dahil sa kasong Grave Misconduct at Dishonesty na inihain laban sa kanila ng isang barangay kagawad.
Sa anim na pahinang resolusyon na may petsang Oktubre 21 na pirmado ni Overall Deputy Ombudsman Orlando C. Casimiro, sinasbing guilty sa kasong misconduct sina Barangay Chairman Willy Tan Lao at Barangay Secretary na si Marievic P. Young ng barangay 288 Zone 27, District III Binondo, Maynila.
Isang buwan na suspension at walang suweldong matatanggap ang ipinataw ng Ombudsman laban kina Tan at Young dahil umano sa ginagawang sabwatan ng mga ito na pekehin ang pirma at sadyang hindi pinadadalhan ng notice ang complainant na si Kagawad Edgar Lim para sa isinasagawang meeting at session ng Sangguniang Barangay.
Sa counter affidavit nina Tan at Young, kanilang pinabulaanan ang reklamo ni Lim ngunit sa pagpresinta ng mga ebidensiya at masusing imbestigasyon na isinagawa ni Ombudsman Graft Investigation and Prosecutionm Officer II Evelina S. Maglanoc-Reyes ay napatunayang guilty si Chairman at Secretary nito.
Ginamit ding matibay na ebidensiya ni Lim ang ginawang pagpeke sa kanyang pirma sa isang resolution na nag-aapruba sa appointment ng isang Alfredo Dungo bilang Street Sweeper ng kanilang barangay.
Sinabi pa ni Lim sa kanyang reklamo na inalisan siya ng karapatan na gampanan ang kanyang trabaho bilang halal na kagawad ng barangay sa kanilang lugar kaya siya napilitang maghain ng kaso sa Office of the Ombudsman. (Mer Layson)