Pinoy 6-taong kulong sa 6-kilong cocaine
MANILA, Philippines - Isang Pinoy ang hinatulan ng may anim na taong pagkakakulong dahil sa pagpupuslit ng mahigit sa 6 kilong cocaine sa Peru, iniulat ng Department of Foreign Affairs kahapon.
Sa ipinadalang report ng Embahada ng Pilipinas sa Santiago, Chile, ang 35-anyos na Pinoy na itinago sa pangalang Joey ay nasabat ng Peruvian authorities sa paliparan ng Cusco, Peru noong Setyembre 30, 2009 dahil sa pagdadala ng may 6.145 kilos ng cocaine alkaloid na nakuha sa kanyang hand carry bag.
Ang nasabing Pinoy ay kasalukuyang nakapiit sa Quencoro Men’s Penitentiary sa Cusco kung saan sisimulan nito ang kanyang hatol na anim na taon at walong buwang pagkakakulong kabilang ang pagbabayad ng multa matapos nitong tanggapin ang plea bargain agreement ng Peruvian authorities.
Nauna rito, isang Pinay ang inaresto sa Arica, Chile noong June 2, 2009 dahil sa pagpupuslit ng illegal drugs na sinundan pa ng isang Pinay na nahuli noong May 24, 2009 sa Ecuador dahil sa drug trafficking.
Ayon kay Ambassador Maria Consuelo Puyat-Reyes ng Embahada ng Chile, kadalasang nagiging biktima ang mga manggagawang Pinoy ng international drug ring upang mag-transport ng illegal drugs kapalit ng malaking halaga o alok na trabaho. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending