MANILA, Philippines - Nagpaalam na rin kahapon si Defense Secretary Gilberto “Gibo“ Teodoro Jr. sa Philippine Army sa ginanap na seremonya kahapon sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ito’y kaugnay ng pagtakbo ni Teodoro bilang standard bearer ng administrasyon sa darating na 2010 national elections.
Si Teodoro ay kasalukuyang naglilibot sa mga kampo ng militar bilang bahagi ng ‘testimonial parade ‘ sa pagbibitiw nito sa puwesto sa loob ng linggong ito. Nitong Miyerkules ay binigyan na rin ng testimonial parade ng Philippine Navy ang kalihim habang susunod naman itong magpaalam sa Philippine Air Force.
Sa kaniyang talumpati ay pinasalamatan ni Teodoro ang tropa ng Philippine Army na pinamumunuan ni Lt. Gen. Delfin Bangit sa peace and order gayundin sa relief and rescue mission sa mga nagdaang kalamidad sa bansa. (Joy Cantos)